Hindi Terorismo ang Magrebolusyon
poemBukambibig, paulit-ulit, nakakarindi at walang pakundangan
Ang ipinupukol na paninira, demonisasyon at pagyurak
Ng mga alipures at utusang aso ng ganid at bulok na estado
Ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri
Ng malalaking burgesya-kumprador at panginoong maylupa
Sa mga rebolusyonaryong pwersang pambansa-demokratiko
Maging sa mga ligal na aktibista at organisasyon
Na diumano’y mga terorista.
Anong garapalan at kapal ng mukha na pambabaluktot
Pamimilipit at pambabaliktad ng katotohanan.
Anong napakalaking insulto sa talino ng mamamayan
Na saksi sa araw-araw na danas ang karahasan
Ng ipinataw na kahirapan at kaapihan
Dulot ng pandarambong at kasakiman ng iilan sa yamang-bayan.
Imperyalismo ang tunay at numero unong terorista ng daigdig
Kapwa ang lumang kolonyalismo at makabagong imperyalismo
Ang nandambong at patuloy na nandarambong sa yaman
Ng mga biktimang bansa at mamamayan, gamit ang armas
Na inagaw ng kanilang kalayaan
Ginahasa ang karapatang mamuhay sa biyaya ng kanilang
Yamang-lupa at yamang-likha ng talino at lakas-paggawa
Na pwersahang ninakaw ng mga imbing mangungulimbat.
Samantala, Pyudalismo ang katambal at tuntungan ng imperyalismo
Ipinagkait ang yamang-lupa, nagpahirap sa uring magsasaka
Kasangkapan ang Burukratang Kapitalismo naghasik ng lagim
Isang tiwali at marahas na sistema ng pangangasiwa
Upang buong bagsik na magpatay ng kalupitan sa mamamayan
Ang tatlong batayang na suliraning pasan-pasan
At sagka sa tunay na pambansang kalayaan
At tunay na demokrasyang bayan.
Hindi terorismo ang ipaglaban ang tunay na pambansang kalayaan
Hindi terorismo ang ipaglaban ang tunay na demokrasyang bayan
Hindi terorismo ang ipaglaban ang syentipikong sosyalismo
Hindi terorismo ang ipaglaban ang mga karapatang pambansa at demokratiko
Hindi terorismo ang ipaglaban ang hustisyang panlipunan
Hindi terorismo ang ibagsak ang bulok na estado
Hindi terorismo ang magtatag ng bagong sistemang panlipunan
Kung kaya’t hindi terorismo ang magrebolusyon.
Ang kasayasayan at ang sangkatauhan
Ang huhusga sa mga ito, sa kahuli-hulihan.