Kuro sa Kalikasan at Kilusan Habang nasa Piitan

poem

O, munting gagamba kahanga-hanga ang gawa
Lambat mong sapot sa sulok ng makipot na bintana
Aking pinagmasdan nang halos tulala
Iyong angking galing at pagkamapanlikha
Sa kawalang-kapaguran at lubos na tiyaga.

Mumunting kuliglig kahanga-hanga rin ang gawa
Himig ninyong likha musikang pagkahaba-haba
Walang patlang tulad ng epikong tula
Ang galing ng inyong paghuni sa araw at gabi
Huning animo’y galing sa higante.

Makukulay na ibon nagliliparan sa mga puno’t kalawakan
Nilikhang mga awitin pawang ipinaubaya
Lubos na nakaaaliw, nagdudulot ng tuwa
Anong husay ng inyong dunong at sigla
Ganap ang laya sa inyong paggala.

Isang rebolusyonaryo na ngayo’y nakapiit
Pinagkaitan ng mga karapatan at laya
Nagkukuro, nagmumuni ng mga aral at halimbawa
Sa angkin ninyong galing at pagkamapanlikha
Magpursiging ipagtagumpay, tunay na kalayaan ng bansa.

Gagamba sa bintana